Marami
pagdiriwang na panrelihiyon sa Pilipinas. Isinasagawa rin ito sa iba't ibang
buwan sa buong taon. Makikita rito ang mga kaugalian at katangiang Pilipino
Pasko
Mahalaga
para sa mga kapatid nating Kristiyano ang pagdiriwang ng Kapaskuhan tuwing
ika-25 ng Disyembre. Araw ito ng paggunita sa pagsilang ni Jesus, ang Anak ng
Diyos ng mga Kristiyano. Misa de gallo o simbang-gabi ang hudyat ng pagdiriwang
ng Kapaskuhan. Nagsisimula ito sa ika-16 ng Disyembre. Ang misa de gallo ang
magkakasunod na siyam na simbang-gabi hanggang sumapit ang araw ng Pasko.
Nagkakaisa ang mga Pilipino sa pagdiriwang nito. Marami ang dumadalo sa misang
ito. Sama-samang nagsisimba ang mag-anak dito.
Pagmamahal
sa bawat isa ang mensaheng ipinahahatid sa atin tuwing sasapit ang Pasko. Isang
araw rin ito para sa mga mahal sa buhay - mga kamag-anak at mga kaibigan - at
pati na rin ng mga kaaway. Kailangang maghatid ang bawat Kristiyanong Pilipino
ng kapayapaan hindi lamang sa buong bansa kundi pati na rin sa buong mundo.
Kung kaya't dapat tandaan na ang mensahe ng Pasko ay pagmamahal at kapayapaan.
Tanda rin ito ng pagkakabuklod ng mga mag-anak. Nagsasama-sama rito o
nagkakaroon ng reunion ang mga kasapi ng mag-anak.
Isa
pang napakagandang pagdiriwang kung Pasko ang parada ng makukulay at maiilaw na
parol na yari sa San Fernando, Pampanga. Dinarayo ng mga turista ang paradang
ito.
Ati-atihan
Ito
ay pagdiriwang sa Kalibo, Aklan. Tatlong araw ito ng pag-awit at pagsayaw sa
mga daan. Nagpaphid ng uling o anumang itim na pangkulay sa buong katawan ang
mga sumasali sa parada. Nagsusuot pa sila ng makukulay na kasuotan habang
nagsasayaw sa saliw ng tugtog ng mga tambol sa kalsada. Hawak ang imahen ng
Santo Niño ng isang ati habang sumsayaw. Sumisigaw naman ng "viva"
ang iba sa kanilang pagsasayaw. "Mahabang buhay' ang kahulugan ng salitang
viva.
Mahal na
Araw
Isang
napakahalaga at natatanging tradisyon ito ng mga Katolikong Pilipino.
Nagkakaisa ang ito sa pagdaraos nito. Karaniwang makaririnig ng pabasa sa
baryo, kapilya, at pati na sa mga tahanan na ikinukuwento ang buhay ni Cristo.
Penitensiya naman ang tawag sa ginagawa ng mga Pilipinong nagpapasakit o
namamanata tuwing Mahal na Araw, Kanilang pinahihirapan at pinarurusahan ang
sarili sa pagdadala ng krus o pagpalo at
pagsugat sa kanilang mga katawan. Isang prusisyon ng mga rebulto ni Cristo at
iba pang santo ang inilalakad sa mga pangunahing daan ng baryo o bayan tuwing
Biyernes Santo. Maingay at masayang naririnig ang kampana ng lahat ng simbahan
tuwing Linggo ng Pagkabuhay upang ipabando o ipahayag ang muling pagkabuhay ng
ating Panginoon.
May isa pang gawaing isinasagawa tuwing Mahal na Araw.
Ito ang Moriones ng Marinduque. Isang makulay na kaugalian pang-Mahal na Araw
ito. Nagsusuot ng damit ng mga Romanong sundalo at makukulay na maskara ang mga
namamanata.
Pahiyas
Isang
tradisyon din ito. Pinararangalan dito ang santo ng mga magsasaka na si San
Isidro de Labrador. Nagkakaisang nagsasabit ang mga taga-Quezon ng mga
produktong-bukid at katutubong pagkain sa pintuan at mga bintana ng kanilang
bahay.
Isang
Bahagi ng pagdiriwang ng San Isidro ang pagbasbas sa mga kalabaw. Ipinaparada
ng mga magsasaka ang kani-kanilang mga kalabaw patungo sa simbahan upang
mabasbasan ng pari. Naniniwala sila na malalayo sila at ang kanilang mga
kalabaw sa mga sakit at aksidente sa pagbasbas na ito. Isang makulay na
pagdiriwang ito na kinalulugdan ng lahat sa Quezon tuwing buwan ng Mayo.
Santakrusan
Ito
ang isa pa ring kasayahan. Ang santakrusan ay isinasagawa kung Mayo. Isang
prusisyon ito na nagpapakita at isinasadula ang paghahanap ni Santa Elena sa
Banal na Krus. Maraming naggagandahang kababaihan sa prusisyong ito na
kumakatawan kay Birheng Maria at iba pang mga babaing tauhan sa Bibliya at mga
akadang kaugnay nito.
Pista ng
Peñafrancia
Isang
kapistahan ang idinaraos tuwing Setyembre 17 sa Lungsod ng Naga, Camarines Sur sa rehiyon ng Bicol.
Isang prusisyon sa ilog ng mapagmilagrong imahen ng Birhen ng Peñafrancia ang
dinarayo sa pagdiriwang na ito. Isinasagawa ang prusisyong ito sa Ilog ng Naga
at kalalakihan lamang ang lumalahok. Magandang nilagyan ng palamuti ang trono
ng birhen na nasa isang kasko.
Araw ng mga Patay o Todos los
Santos
Ipinagdiriwang
ito tuwing unang araw ng Nobyembre. Ginugunita at pinararangalan ang mga
namatay na kamag-anak sa araw na ito. Karaniwang nagtutungo ang mga Pilipino sa
sementeryo upang magsindi ng mga kandila, mag-alay ng mga bulaklak at pagkain,
at magdasal para sa namatay na mga mahal sa buhay. Nagkakaisa rin ang mga
Pilipino sa pagsasagawa ng mga kaugaliang ito.
Ramadan
Isang
buwang pagdiriwang ito ng ating mga kapatid na Muslim sa Timog tuwing Marso
hanggang Abril. Sama-sama at nagkakaisa rin sila sa pagdiriwang ng okasyong
ito. Mahalagang pagdiriwang ito sa kanila. Idinaraos ang kaugalian at tradisyong
ito ng mga tagasunod ng Islam sa buong mundo. Nagsusuot ng mahabang belo sa
kanilang mukha ang mga babaing Muslim kapag nagtutungo sila sa kanilang mosque.
Nangingilin or nag-aayuno ang lahat ng mga Muslim sa mga pagdiriwang na tulad
nito. Nagdarasal sila kay Allah na kanilang Panginoon. Ginugunita nila ang
pakakahayag o rebelasyon ng Koran kay Mohammmed, ang propeta ng Islam.
Nagbabasa pa sila ng Koran. Ang Koran ay banal na aklat ng mga Muslim.
Hari Raya Puasa
Pagkatapos
ng Ramadan, ipinagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim ang Hari Raya Puasa.
Isa itong pasasalamat nila. Nagsisimula at ginigising sila ng malalakas na
ingay ng mga tambol. Agad silang nagbibihis ng kanilang magagarang kasuotan at
nagtutungo sa mosque. Nagdarasal sila ng isang oras. Imam ang tawag sa kanilang
pari.
Source:
its been a long time'
TumugonBurahin